Cool Tip #046: Anim (6) na ugaling Pinoy na dapat dalhin mo sa abroad bilang isang OFW

OFWonAIR-Cool-tip-46v2

Hello mga Ka-Tsong! Kamusta na kayo lahat? Sana’y naging masaya ang inyong Araw ng Kalayaan noong nakalipas na Lunes! Sa ating cool tip ngayon, pag-uusapan natin ang ilang mga ugaling Pinoy na dapat ay taglay ng bawat OFWs sa buong mundo.  Mahalaga na ipapaalala ito dahil kilala at ikinagigiliwan ito ng ibang lahi sa atin.  Pagmaganda ang impresyon sa atin, lalo tayong hahanap-hanapin na makatrabaho saan man sulok ng mundo. Narito ang ilan sa mga ugaling ito:

  1. Kasipagan. Hindi na nito kailangan ng mahaba pang paliwanag. Kilala tayong mga Pilipino sa ating pagiging masipag sa lahat ng ating mga gawain. Bilang mga OFW, siguradong magagamit ninyo ito (o marahil ay ginagamit niyo na) upang makatapos ng trabaho sa takdang panahon, o di kaya’y upang marami kayong magawa sa loob ng isang araw — sa loob man ng trabaho o sa labas.
  2. Pagiging mapagmalasakit / matulungin. Isang magandang ugaling Pinoy ang ating pagkakaroon ng malasakit sa mga pinagdadaanan ng ibang tao. Nag-aalala tayo sa kalagayan ng ating kapwa, at sinisikap nating matulungan ito sa paraan na kaya natin. Importante ang ugaling ito sa ibang bansa. Dapat bilang mga OFW ay nagtulungan kayong lahat at hindi naghatakan pababa, dapat ay iniintindi ang sitwasyon ng isa’t isa at hindi tinitignan lamang ang sa sarili. Bilang OFW, dapat hindi mo makalimutang alagaan ang mga iniwan mong mahal sa buhay sa Pilipinas. Kung may nangangailangan ng tulong, basta kaya at may panahon, maaasahan tayong mga Pinoy na tumulong!
  3. Pala-kaibigan. Kaugnay ng aming sinabi sa tip #2, mahalaga na palawakin natin ang ating ‘network of friends’. Masarap tayong kasama, masayain, minsan maloko, palatawa. Sa lugar na kung saan ay di mo na kapiling ang pamilya, tiyak na magagamit mo ang pagiging ‘friendly’ sa iba upang sa ganun, maging magaan ang trato ng kasama sa trabaho at higit sa lahat, mapasaya mo rin ang sarili na dala ng pag-iisa sa labas.
  4. Pagka-mapagkumbaba. Sa trabahong abroad, kailangang maging mapagkumbaba at di mayabang.  Walang mararating ang sobrang yabang.  Ang ginang ng sising, ang mga bagong Nike shoes, ang magarang cellphone ay hindi tanda ng tagumpay.  Kung yan ang lagi mong pinapalangdakang sa iyong pamilya sa Pilipinas, naku, naiintindihan mo na siguro ngayon kung bakit sila ay laging umaasa sa yo ng padala!  Huwag na huwag ipagmayabang ang mga bagay na wala ka naman, tulad ng pera, dahil baka sa dulo ay hindi mo naman ito maibibigay sa oras ng pangangailangan.
  5. May positibong pananaw sa buhay. Kapag binuksan mo ang TV at nanood ka ng balita, siguradong-sigurado na may makikita kang Pilipinong nakangiti. Kahit pa ang balita ay tungkol sa bagyo, lindol, o kung ano pa mang sakuna, mayroon at mayroon kang makikitang nakangiting Pinoy. Ito ay isa sa mga nakakatuwang ugali ng mga Pilipino: ang ating likas na pagiging positibo sa buhay at ang ating likas na pagiging masayahin. Sa reyalidad ng buhay sa labas ng Pilipinas, tiyak na kakailanganin mo bilang OFW ang mga ugaling ito. Ito ang isa sa mga magbibigay-lakas sa iyo na itawid ang bawat araw mo sa abroad at ito ang tutulong sa iyo na bumangon kung sakaling ikaw ay magkamali o madapa.
  6. Pagiging magalang. Makakalimutan ba natin ang pagiging magalang ng mga Pilipino? Ang ating pagiging marespeto sa mga nakakatanda sa atin, sa ating mga kapamilya, sa ating mga boss sa trabaho, at sa isa’t isa? Syempre hindi! Bilang mga Pilipino, dapat panatilihin natin ang ugaling ito sa labas ng bansa. Sabi nga nila, ang pagka-magalang ay ugat ng mga magagandang relasyon sa mga taong pumapaligid sa iyo. Kahit naman sa ibang bansa at lahi, importante ang respeto – kung kaya’t dapat lang na kasama ito sa mga ugaling bitbit mo sa ibang bansa.

Alam natin na marami pa tayong magagandang kaugalian, kaya kung may nais pa kayong idagdag, aba…isama po natin ito sa comment section para marami pa ang makinabang. Syempre, kung kayo ay may mga mungkahi o nais pang ihayag, huwag nang magpatumpik-tumpik pa at magcomment na sa ilalim ng post na ito o di kaya’y i-email kami sa ofwonair@gmail.com. Asahan namin ito mga ka-tsong!

(Ang post na ito ay magandang basahin kasabay ng Cool Tip #019: Six (6) must-have attitudes of an OFW – paki click ang link na ito!

Facebooktwitter